Miyerkules, Agosto 20, 2025

Gatasan ng sakim?

GATASAN NG SAKIM?

'ghost' flood control projects, / gatasan ng sakim?
kaya pag nagbaha'y / karima-rimarim
gumamit ng pondo'y / budhing maiitim?
kaya ang dinulot / sa masa ay lagim?

kaya ba 'ghost', wala / talagang proyekto
kunwari'y mayroon, / niloko ang tao
minultong proyekto? / proyekto ng multo?
kaya pag nagbaha, / talagang perwisyo

mga pagbaha ba'y / mula lang sa ulan?
basura sa kanal / lang ba ang dahilan?
may ginagawa ba / ang pamahalaan?
o pulos kurakot / sa kaban ng bayan?

isang bilyong piso'y / gastos kada araw
anang ulat, naku / paano ginalaw?
saan na napunta? / ito ba'y natunaw?
sa baha't ghost project / o ito'y ninakaw?

pondo ng flood control / na ba'y kinurakot?
ng nasa gobyernong / tila ba balakyot?
naaksayang pondo / na'y katakot-takot!
ang mga maysala'y / dapat mapanagot!

- gregoriovbituinjr.
08.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Agosto 20, 2025, p.1 at p.2

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Gatasan ng sakim?

GATASAN NG SAKIM? 'ghost' flood control projects, / gatasan ng sakim? kaya pag nagbaha'y / karima-rimarim gumamit ng pondo'y...