Sabado, Marso 9, 2024

Sahod ng manggagawa, itaas! Sahod ng SSS executives, bawasan! Ibahagi sa manggagawa!

SAHOD NG MANGGAGAWA, ITAAS! SAHOD NG SSS EXECUTIVES, BAWASAN! IBAHAGI SA MANGGAGAWA!
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob ng pabrika o anumang pagawaan, ang usapin ay sahod versus tubo. Pag itinaas ang sahod ng manggagawa, mababawasan ang tubo. Kaya binabarat ang sahod ng manggagawa, dahil upang hindi mabawasan ang tubo, pati na ang kinikita ng mga malalaking negosyante o mga matataas na namumuno sa isang kumpanya o ehekutibo.

Pag nanawagang itaas ang sahod ng manggagawa, umaangal ang mga employer na maaapektuhan sila. At madalas iniuugnay ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Pag tumaas daw ang sahod ng manggagawa, magmamahal din daw ang pangunahing bilihin. Kaya ayaw itong itaas. Kinakailangan pa ng mga manggagawa na ipaglaban na itaas ang kanilang sahod.

Subalit pag tumaas ang kinikita ng mga kapitalista, negosyante, o pinuno ng mga ehekutibo, hindi nila sinasabing magmamahal ang presyo ng mga bilihin.

Ang manggagawa sa NCR ay may minimum wage na P610.00 kada araw, at sa isang buwan ay P610 x 26 days = P15,860. Sa loob ng isang taon, ito ay P15,860 x 12 = P190,320.

Nagsaliksik tayo ng mga sahod o kinikita ng mga negosyante, kapitalista, o ehekutibo ng isang kumpanya. Nasaliksik natin ang sa SSS, kaya ito ang binigyang-pansin natin sa artikulong ito.

Gayunman, ang trabaho bang walong oras ng manggagawa ay hindi maipapantay sa trabahong walong oras ng mga ehekutibo ng SSS? Natatandaan ko, may panawagan noon na ipantay sa sahod ng manggagawa ang sahod ng mga lingkod bayan. Alam nating magkaiba ang sistema sa gobyerno kumpara sa kumpanya. Subalit sa punto na parehong nagtatrabaho ng walong oras ang manggagawa at taong gobyerno, tulad ng taga-SSS, na bibigyang halimbawa natin dito, bakit mas mataas ang sahod ng taga-SSS kumpara sa isang regular na manggagawang tumatanggap ng minimum wage? Naaapektuhan ba talaga ng dagdag-sweldo ang presyo ng bilihin?

Tingnan natin ang monthly salary ng mga SSS officials, na nasa kawing na: https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=SSSCOMPACKDEC16_final.pdf


Ang buwang sahod at alawans sa isang buwan ng Branch Head / Department Head/Asst. Branch Head ay P50,919.00 at sa isang taon ay 611,028.00. May benepisyo kada taon ay P152,738.00. Sumatotal ay P763,766.00. Meron pa silang Provident fund na ibig sabihin ay employer share na 40% ng monthly salary, na P16,347.60.

Sa sumunod na kolum, ang sahod at alawans ng isang Branch Head/ Department Head ay P72,098.00 kada buwan, at sa isang taon ay P865,176.00. May dagdag benepisyo pa kada taon na P192,346.00. Sumatotal ay P1,336,744.00. Dagdag pa ang  Provident fund na P24,269.20,

Ang buwanang sahod at alawas naman ng Asst. Vice President ay P91,028.00, at kada taon ay P1,092,336.00. May dagdag benepisyo pa ito kada taon na P231,256.00. Sumatotal ay P1,323,592.00.

Nariyan din ang buwanang sahod, alawans at mga dagdag benepisyo ng Vice President, Senior Vice President, at President and CEO.

Subalit sa taas ng kanilang sinasahod, wala tayong narinig na pag tumaas ang kanilang sahod ay tataas din ang presyo ng mga bilihin! Naapektuhan ba ang bilihin nang tumaas ang sahod ng mga taga-SSS? Hindi, di ba?

Subalit pagdating sa karaniwang manggagawa, tumaas lang ng isangdaang piso ay sasabihin agad na magtataasan ang presyo ng mga bilihin. Sahod at presyo ba talaga ang magkatambal o magkatunggali, kaya sigaw natin: Sahod itaas, Presyo ibaba?

Ibig sabihin, hindi talaga sahod at presyo ang magkatambal o magkatunggali. Pagkat sa loob ng pabrika, sahod at tubo ang talagang magkatunggali. Pag tumaas ang sahod, maapektuhan at bababa ang tubo. Kaya ayaw itaas ang sahod, upang hindi maapektuhan at mabawasan ang tubo ng kapitalista.

Pagkumparahin natin ito sa minimum wage na natatanggap ng isang regular na manggagawa:

Buwanang sahod ng manggagawa: P15,860
Buwanang sahod at alawans ng taga-SSS: P50,919.00

Taunang kita ng manggagawa: P190,320
Taunang sahod, alawans at benepisyo ng taga-SSS: P763,766.00

Hindi tayo umaangal na higit triple ang kinikita ng taga-SSS kaysa karaniwang manggagawa, dahil hindi naman tumataas ang presyo ng bilihin, subalit umaangal sila pag taasan lang ng P100 ang minimum wage ng manggagawa, at sasabihing tataas ang presyo ng bilihin pag tumaas ang sahod ng manggagawa. 

Sinubukan ko gawan ng tula ang usaping ito:

USAPING SAHOD NG MANGGAGAWA'T EHEKUTIBO

mahal ang benepisyo't sweldo ng taga-gobyerno
subalit presyo ng bilihin ay di apektado
gayong taasan lang ng sandaang piso ang sweldo
ng obrero, bilihin na'y magmamahal ang presyo

dito pa lang ay ating masusuring binobola
talaga tayo ng mambobolang kapitalista
di itataas ang sahod ng manggagawa nila
basta tumubo ng tumubo, kumita't kumita

panahon nang itaas ang sahod ng manggagawa
upang sadyang umunlad ang ekonomya ng bansa
sahod ng mga taga-gobyerno yaong ibaba
kung nais na ekonomya'y paunlarin ngang sadya

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
sa artikulo't tulang ito'y ating salalayan

03.09.2024

Mga pinaghalawan:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...