Martes, Hulyo 13, 2021

Martes Trese at Biyernes Disisyete

MARTES TRESE AT BIYERNES DISISYETE

mayroon palang taong talagang mapamahiin
may kinatatakutan bukod sa Friday the Thirteenth
aba'y nariyan ang sinasabing Tuesday the Thirteenth
at takot din sila sa petsang Friday the Seventeenth

anong pinagmulan ng ganitong paniniwala
malas daw ang trese sa bansang salita'y Kastila
ang Martes ay mula kay Ares, ang diyos ng digma
digma'y negatibo't may namamatay, nagluluksa

sa Italyano'y malas ang Biyernes Disisyete
habang sa kanila'y swerte itong numero trese
mga paniniwalang dapat nating isantabi
petsa ba ang bahala kung anong malas o swerte?

walang araw ng kamalasan kung pag-iisipan
tulad ng itim na pusang nakita mo sa daan
kung pusa ay itim, ito ba'y kanyang kasalanan?
o namana ang kulay sa kinagisnang magulang?

may patalastas noon, bawal magwalis sa gabi
kaya nararapat daw gawin, ibalik ang swerte
swerte bang matatawag ang mga naipong dumi
kaya di winalisan ang maagiw na kisame

ang pamahiin ay paniniwalang sinauna
na mula sa kalikasan ang suliranin nila
ngunit ngayon, mapagsuri sa paligid ang masa
at inaaral nila ang lipunan at sistema

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala mula sa  Pilipino Star Ngayon, Hulyo 13, 2021, pahina 5

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...