Linggo, Hunyo 29, 2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.?

natanggal higit tatlong dekada na
ang base militar ng Amerika
may panukala mga solon nila:
Subic ay gawing imbakan ng bala

Pilipinas ba'y kanila pang sakop?
ang ating bansa ba'y bahag ang buntot?
ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop?
balita itong nakabuburaot

di ba't iyang base na'y pinatalsik
kasama na pati ang Clark at Subic
bantang digmaan ay kanilang hibik
habang tayo rito'y nananahimik

panukala nila'y ating tutulan
halina't kumilos na, kababayan
baka madamay pa ang mamamayan
sa gerang di naman natin digmaan

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Linggo, Hunyo 8, 2025

Sanggol, 1, patay sa napabayaang kandila

SANGGOL, 1, PATAY SA NAPABAYAANG KANDILA

ikalawang beses na raw ito
na nagkasunog at may namatay
na bata dahil napabayaan
ang isang nakasinding kandila

isang taong gulang ang namatay
na iniwan ng mga kapatid
upang sa pistahan ay gumimik
ay, pinabayaan ang kapatid

nakalulungkot ang ganyang ulat
nawa'y wala nang ikatlong ulit
ang nangyari'y nakapagngangalit
na pinabayaan ang kapatid

magulang nila'y nasa trabaho
nang mangyari ang sunog na ito
at kung ako ang tatay ng bata
anong sakit, tiyak na luluha

baka sisihin pa ang sarili
di na maibabalik ang dati
na sa napabayaang kandila
ay buhay ng musmos ang nawala

- gregoriovbituinjr.
06.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Remate, Mayo 26, 2025, p. 3

Sabado, Hunyo 7, 2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN

parang pampalubag loob na lang sa masa
sa ilalim ng kapitalistang sistema
iyang libreng libing para sa mahihirap
na aprub na raw sa Senado, anang ulat

kung kaya naman pala ang libreng libing
para sa mahihirap ay baka kaya rin
nilang magpasa ng batas na para naman
sa libreng paospital ng dukhang maysakit

kung dukha'y may libreng libing kapag namatay
sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay
subalit sa ilalim ng lipunang ito
lahat pinagkakakitaan ng negosyo

pati na ang karapatan sa kalusugan
ay di na karapatan, dapat mong bayaran
at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap
para sa Indigent Funeral Package nila

sino kayang mahirap ang kwalipikado?
yaong buto't balat na't payat na totoo?
yaon bang walang kayod, walang sinusweldo?
na sa barungbarong lang nakatira ito?

bagamat may batas na Cheaper Medicine Act
murang gamot imbes libreng gamot sa dukha
may Free Indigent Hospitalization Act ba?
libreng pagpapaospital na gagaling sila?

walang libre sa kapitalistang sistema
dapat sa karapatan mo sila'y kumita
dapat sa ganitong sistema'y palitan na
at maralita'y magrebolusyon talaga

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

Paligsahan na ba ang paghuli ng kriminal?

PALIGSAHAN NA BA ANG PAGHULI NG KRIMINAL?

paramihan na raw ng huli
ng kriminal, sa ulat sabi 
ng bagong tinalagang hepe
o namumuno sa PNP

subalit pag ganyan, paano
na ang karapatang pantao?
due process o tamang proseso
ba'y malalagay sa peligro?

paramihan ng huli'y sugal
na paligsahan ang katambal
tulad ng tokhang, ibubuwal
na ba ang darakping kriminal?

tama lamang na sila'y dakpin
dahil nakagawa ng krimen
sila'y ikulong at litisin
hustisya sa biktima'y kamtin

ngunit di iyan paligsahan 
sapagkat di laro ang ganyan 
buhay ang pinag-uusapan
dapat ebidensya'y batayan

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Kapraningan sa gitna ng kalasingan

KAPRANINGAN SA GITNA NG KALASINGAN ay, mahirap kainuman itong may mental health problem na ating nabalitaan sadyang karima-rimarim kainuman ...