Huwebes, Pebrero 27, 2025

Simpatya sa asong si TikTok

SIMPATYA SA ASONG SI TIKTOK

I

di lang ako political activist
di rin lang ako human rights activist
isa ring environmental activist
ako rin ay animal rights activist

kaya ninais kong mag-vegetarian
ngunit na-COVID noong kasagsagan
ng pandemya, at ako'y pinayuhan
ng ninang na ito muna'y tigilan

para sa protina, magkarne ako
kaya ang payo niya'y sinunod ko
bagamat paminsan-minsan lang ito
ngunit madalas, isda't gulay ako

II

hayskul ako'y nakasama sa dula
pamagat ay Brother Sun, Sister Moon nga
lahat ng buhay dapat makalinga
yaong aral ni St. Francis sa madla

kaya masakit na mabalitaan
isang aso'y napagtripan ninuman
limang pana'y pinatagos sa laman
ay, kawawa ang kanyang kalagayan

dahil ba ngalan ng aso ay TikTok
kaya napagtripan ng mga bugok?
ang ginawa nila'y gawaing bulok
at talaga namang di ko malunok

may karapatan din ang mga aso
na dapat ipagtanggol din ng tao
bilang animal rights activist ako
ay dapat managot ang mga loko

III

inaamin ko, nakapatay ako
noon ng manok sa palad ko mismo
pagtirik ng mata'y nasaksihan ko
nakonsensya, ayaw ulitin ito

noong ako'y bata, aso'y pinatay
ng lasenggero't nasaksihang tunay
niluto't pinulutan nilang tambay
tanda ko iyon, di na napalagay

tumagos nga ang aral ni St. Francis
kaya di ko mapatay kahit ipis
ako na nga'y animal rights activist
na sa buhay ay di dapat magmintis

- gregoriovbituinjr.
02.27.2025

* ulat mula sa GMA News, 02.26.2025
* mababasa ang ulat sa mga sumusunod na kawing:

Martes, Pebrero 25, 2025

Isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos

ISANG ARAL NG EDSA ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS

buhay ang sama-samang pagkilos ng sambayanan
buhay ang Edsa sa atin, sa diwa't kalooban
aral ng sama-samang pagkilos ay kailangan
upang mabago ang bulok na sistema't lipunan

sobra na ang pamumuno ng burgesyang kuhila
wakasan ang dinastiyang pulitikal sa bansa
asahan na natin ang alternatibo ng madla
ang uring manggagawa, ang hukbong mapagpalaya

isang aral ng Edsa ang sama-samang pagkilos
ng magkakauri upang kabuluka'y matapos
wakasan ang pagsasamantala't pambubusabos
ng mga elitista sa uring naghihikahos

wakasan ang pamamayagpag ng oligarkiya,
ng kapitalista, ng asendero, elitista
O, Bayan ko, wakasan na ang bulok na sistema!
at sama-samang itayo ang gobyerno ng masa!

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litratong kuha malapit sa People Power Monument habang ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Pagbigkas ng tula sa People Power Monument

PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT

Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25,  2025, ay nag-bidyo-selfie ang makatang gala sa pagbigkas ng kanyang inihandang tula:

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xZmFIKOOOx/

Linggo, Pebrero 23, 2025

Ikatlong kampyonato, nakuha ni Django

IKATLONG KAMPYONATO, NAKUHA NI DJANGO

ngayong taon nga'y tatlong beses nang nagkampyon
sa larong bilyar si Francisco Bustamante
mabuhay ka, Django, sa nakamit mong iyon
mahigit sandaang katunggali'y nadale

unang panalo'y Bayou State Classic One-Ball
One Pocket sa Louisiana, ang sunod ay
sa Las Vegas, sa Jay Swanson Memorial Nine-ball
ikatlo'y sa One Pocket Face-Off nagtagumpay

Congrats, Django, sa binigay mong karangalan
sa bansa, tulad ng kumpare mong si Efren
"Bata" Reyes, na ang taguri'y "The Magician"
kahusayan ninyo'y dapat naming tanghalin

taasnoong pagpupugay sa iyo, Django
hari ka ng bilyar at tunay na idolo

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 23, 2025, p.12

Huwebes, Pebrero 20, 2025

Nang-hostage dahil di ibinigay ang sahod

NANG-HOSTAGE DAHIL DI IBINIGAY ANG SAHOD

grabeng isyu itong dapat mabigyang pansin
hinggil sa isang obrerong kayod ng kayod
binalewala siya ng amo pa man din
kaya nang-hostage nang di binigay ang sahod

bakit ba isyu'y pinaabot pa sa ganyan
kaytindi ngang ulat kung iyong mababasa
ang kanyang lakas-paggawa'y ayaw bayaran
ng employer niyang tila ganid talaga

hinabol pa siya ng kapwa empleyado
upang pagtulungan, upang siya'y itaboy
doon humingi ng tulong ang kanyang amo
di malaman ang gagawin, nang-hostage tuloy

hanggang mga pulis na ang nakipag-usap
na nag-ambagan nang sahod niya'y mabuo
manggagawang di binayaran, di nilingap
ay napiit na't nag-sorry nang buong puso

sahod naman niya ang kinukuhang tiyak
upang kanyang pamilya'y di naman magutom
hinihingi niya'y para sa mga anak
komento ko lang sa isyu'y kamaong kuyom

- gregoriovbituinjr.
02.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Pebrero 20, 2025, p.5

Martes, Pebrero 18, 2025

Huwag nang iluklok ang walang nagawa

HUWAG NANG ILUKLOK ANG WALANG NAGAWA

wala raw nagawa ang kapitan
ang puna ng isang mamamayan
nais ng anak pumalit dito
pag natapos na raw ang termino

simpleng puna lang ng Mambubulgar
katotohanang nakakaasar
ganito'y hahayaan lang natin?
sila pa ba ang pananalunin?

tila komiks ay nagpapatawa
ngunit hindi, komiks ay konsensya
ng bayan at mga naghihirap
dahil nakaupo'y mapagpanggap

pangako, bayan daw ay uunlad
subalit progreso'y anong kupad
matuto na tayo, O, Bayan ko
huwag nang iluklok iyang trapo

- gregoriovbituinjr.
02.18.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, 02.18.2025, p.4

Miyerkules, Pebrero 12, 2025

Depresyon

DEPRESYON

mula ikatatlumpu't siyam na palapag
nang limampung anyos na babae'y lumundag
marahil sa problema'y di napapanatag
kaya nagawa nga iyon, kahabag-habag

sa kalooban niya'y may problemang bitbit?
agad tinapos ang buhay sa isang saglit
ngunit may Mental Health Act na tayo, subalit
mayroon pa ring nagpapatiwakal, bakit

hanggang narinig na lang ng gwardyang naroon
ang lagabog ng katawan ng babaeng iyon
paano ba mababatid kung may depresyon
ang isang tao upang tayo'y makatugon

sapat ba ang Mental Health Act na ating batas
upang dalahin nila'y magkaroong lunas
upang kanilang suliranin ay malutas
upang ang sarili nila'y di inuutas

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 7, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Karahasan

KARAHASAN

pulos karahasan ang laman ng balita
Grade 8 na nakipag-break, sinaksak ng Grade 10
sinaksak ng ex ni misis ang kanyang mister
isang tatay ang sinuntok ng anak, patay
taas-singil sa kuryente, pahirap sadya

pawang karahasan ang bumungad na ulat
lalong malala ang pananaksak ng kapwa
sariling ama'y di na ginalang ng anak
presyo ng kuryente'y pahirap na sa madla
matitinding karahasan ang nababasa

selos ba't init ng ulo kaya nanaksak
bakit pinili nilang kapwa'y mapahamak
presyo ng kuryente'y karahasang palasak
ramdam ng masa'y pinagagapang sa lusak
upang bayaran ang kuryente'y nasisindak

pawang mental health problem ba ang pandarahas
na ang di kayang emosyon ay nang-uutas
ng kapwa imbes pag-usapan nang parehas
gayong problema nila'y dapat nilulutas
kung ganyan, di sapat ang Mental Health na batas

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 12, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Martes, Pebrero 11, 2025

Tama ang ginawa ni Heart

TAMA ANG GINAWA NI HEART

binigyan daw ni Alden ng bulaklak si Heart
nagpapahiwatig ng pag-ibig si Alden?
aba'y bakit gayon? may asawa na si Heart
akala ko ba'y mayroon na siyang Kathryn?

mabuti na lang, maganda ang sagot ni Heart
na relasyon sa kanyang asawa'y mabuti
simple lamang ang tinugon kay Alden ni Heart:
ibigay mo na lang 'yan sa ibang babae

tingin ba ni Alden, siya'y makakaisa
mapapaibig si Heart dahil siya'y pogi
dahil pambansang bae, si Heart ay makukuha
sagot ng ginang: naghuhumindig na hindi!

batid ni Heart ang wasto niyang kalalagyan
sapagkat di siya babaeng kaladkarin
siya'y matino, tapat, may pinag-aralan
at may mister siyang dapat pakamahalin

- gregoriovbituinjr.
02.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, p.7

Ingat sa 'hospital bill scam'

INGAT SA 'HOSPITAL BILL SCAM'

mabuti't di kami na-scam sa ospital
nang naroon pa kami ng asawang mahal
ng apatnapu't siyam na araw, kaytagal
buti't di naloko ng scam na kriminal

ingat po sa bagong modus, O, kababayan
magti-text sa pasyente upang mabayaran
ang bill, inengganyong makaka-discount naman
kapag nagbayad daw ang pasyente sa online

pag nabayaran, maglalahong parang bula
padala sa e-wallet, natangay nang sadya
pati kausap ay tuluyan ding nawala
sa ganyang modus, pinag-iingat ang madla

labingsiyam na pala ang dito'y nadale
huli'y nangyari sa ospital sa Makati
pa'no nabatid ang detalye ng pasyente
sinong mga kasabwat na dapat mahuli

- gregoriovbituinjr.
02.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Linggo, Pebrero 9, 2025

Kakasuhan dahil sa P241B singit sa badyet

KAKASUHAN DAHIL SA P241B SINGIT SA BADYET

singit sa badyet ng pamahalaan
ay matagal na ring usap-usapan
blangkong badyet umano'y tinapalan
kaya heto mayroon nang kakasuhan

two hundred forty one billion pesos na
ang siningit ng mga kongresista
anang ulat, nang ito'y mabisita
kaya tama lang tao'y magprotesta

sigaw nga: Mandarambong, Panagutin!
Mandarayang Kongresista, Singilin!
ang twenty twenty five budget, alisin!
dinastiyang pulitikal, durugin!

ito'y pinakamasahol daw na badyet
na may mga blangko't kayraming singit
pang-ayuda't pang-eleksyon, pinuslit?
O, Bayan, di ka pa ba magagalit!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sabado, Pebrero 8, 2025

Walang tibay ang gawang balasubas

WALANG TIBAY ANG GAWANG BALASUBAS

sementadong flood control project, dumausdos
gumuho sa walang hintong buhos ng ulan
magkanong pera ng bayang dito'y ginastos
kontratista pala nito'y di nasilayan

bakit ba walang tibay ang ginawang ito
ilang mason ang naglinaw nang kausapin
di kumapit ang semento, kulang sa bato
di type A o type B ang mixing ng buhangin

proyekto'y tinipid? o kaya'y kinurakot?
kaya flood control project ay bumigay agad
sinong responsable? sinong dapat managot?
ilang milyong piso ang dito'y kinulimbat?

anang ulat, pagkakagawa'y balasubas
ilang lokal na kontratista pa'y blacklisted
apatnapu't siyam na metro ang nalagas
nalusaw na milyones sa bayan pa'y hatid

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, p.3

Sinagasaan? Di nasagasaan?

SINAGASAAN? DI NASAGASAAN?

kaybigat ng ulat sa pahayagan:
ang "Traffic enforcer sinagasaan
sa busway", rider pa ang suspek diyan
sinagasaan! di nasagasaan!

ibig sabihin, iyon na'y sinadya
bakit traffic enforcer kinawawa?
galit ba sa kanya ang nanagasa?
gustong makatakas ng walanghiya?

naiinis sa trapik, naburyong na?
may matinding mental health problem siya?
mabigat na problema'y dala-dala?
nang dumaan sa bawal na kalsada?

nawalan ng preno, ayon sa rider
kaya nadale ang traffic enforcer
nang makapunta ng bike lane ang rider
ay nakabangga pa ng isang biker

enforcer ay nanakit na ang braso
at likod, nasa ospital na ito
rider nama'y sasampahan ng kaso
ng hit-and-run, tiyak na kalaboso

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Biyernes, Pebrero 7, 2025

Trapo kadiri

TRAPO KADIRI

dati pang-marginalized ang party list
ngayon mga trapo ito'y pinuslit
di naman marginalize, nagpumilit
na party list na'y kanilang magamit

magbabalot na raw ang isang donya
isang artista'y nominee ng gwardya
asendero'y nagkunwang magsasaka
nominado rin ay kapitalista

nababoy na ang party list na batas
pinaikutan na ng mga hudas
kinalikot ng mga balasubas
kinutinting ng mga talipandas

kayraming billboard upang matandaan
ng botante ang kanilang pangalan
ngunit babawiin sa mamamayan
ang ginastos nilang trapong gahaman

mga trapo kasi ang nominado
dinastiya'y pinasok na rin ito
dapat sa kanila'y huwag iboto
iba naman, di ang kupal na trapo

- gregoriovbituinjr.
02.07.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 6, 2025, p.4

Sawing puso, sawing buhay

SAWING PUSO, SAWING BUHAY

"Handa na akong mawala sa mundo"
mensahe sa pesbuk ng taga-Tondo
nagkatampuhan ng nobya umano
sariling buhay ay pinugto nito

ang awtoridad ay inaalam pa
kung nagpakamatay nga ang biktima
isasailalim sa awtopsiya
upang rason ay matukoy talaga

O, Pag-ibig, pag nanalo'y karibal
ang bigo'y bakit nagpapatiwakal?
pinugto ang pusong umaatungal
mga nasawi ba'y nagiging hangal?

tanging taospusong pakikiramay
sa pag-ibig niyang tigib ng lumbay
sawing pagsinta'y nabaon sa hukay
kanyang sinta kaya'y di mapalagay?

- gregoriovbituinjr.
02.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Pebrero 7, 2025, p.2

Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ginahasa ng parak

GINAHASA NG  PARAK

isang babae ang pinagsamantalahan
ng isang pulis, ito na'y dinisarmahan
at tinanggalan ng tsapa, mabuti na lang
krimeng nagawa'y dapat niyang panagutan

isa pa naman siyang alagad ng batas
sa pakikitungo sa kapwa'y di parehas
anong nasok sa isip at naging marahas
nang dahil sa kalibugan ay naging hudas

sapilitan daw na pinainom ng droga
ang babae at sa isang bukid dinala
at doon hinalay ang kawawang biktima
ngayon, nasa ospital nang dahil sa trauma

dininig daw ay kasong administratibo
laban sa suspek, bakit ganoon ang kaso?
dapat kasong kriminal ang isampa rito
pagkat nanggahasa ang suspek, krimen ito

dahil ba siya'y pulis na may sinasabi?
parak na parang lumalapa lang ng karne
dapat lang managot ang pulis na salbahe
at bigyang hustisya ang kawawang babae

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 4, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

May mga pangalan ang mga pinaslang

MAY MGA PANGALAN ANG MGA PINASLANG (Tara, pagtulungan natin upang mabatid ni VP Sara) wala nga bang pangalan ang mga pinaslang? tiyak meron,...