Biyernes, Setyembre 27, 2024

Tapat na dyanitor

TAPAT NA DYANITOR

dyanitor siyang tunay na kahanga-hanga
pagkat sinoli niya'y pitakang nawala
at di lamang isa kundi dalawang beses
na masasabi mong kalooba'y kaylinis

apat na buwan pa lang na nagtatrabaho
bilang dyanitor ang tapat na mamang ito
ang kanyang pangalan ay Vicente Boy Dalut
nagsoli ng wallet, di naging mapag-imbot

malinis ang iskul, malinis pa ang budhi
katapatan niya'y maipagkakapuri
ayon kay Kagawad Pulido, nararapat
lamang parangalan ang mga taong tapat

nagpapasalamat ang mga estudyante
sa kanilang iskul sa Rosario, Cavite
katapatan niya'y isa nang inspirasyon
sa bayan at institusyon ng edukasyon

sa taong tapat, kami rito'y nagpupugay
mabuhay ka, Vicente Boy Dalut, Mabuhay!
sa anumang larangang iyo pang tahakin
nawa ginawa mo'y sa tagumpay ka dalhin

- gregoriovbituinjr.
09.27.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 27, 2024, pahina 8

Lunes, Setyembre 23, 2024

Papogi lang ang mga trapo

PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO

ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan
na ibinotong mga artista'y papogi lamang
na di makapagserbisyo ng matino sa bayan
ika nga ng sambayanan, sila'y hanggang porma lang

marami nga raw namamatay sa akala, di ba?
akala ng masa, gaganda na ang buhay nila
dahil binoto'y idolo nilang bida't artista
ngayon, tanong niya: "Ba't puro papogi lang sila?"

pinakitang nagdarasal ang masa sa litrato
na sinisisi'y mga artistang kanyang idolo
sumagot naman ang langit sa mahirap na ito:
"Iyan ang napapala ng bobotanteng tulad mo!"

walang pinag-iba sa dinastiyang pulitikal
na ilang henerasyon nang naupo nang kaytagal
na lugar ay hinahawakan ng kamay na bakal
subalit pag-unlad ng buhay ng masa'y kaybagal

tama na ang pamumuno ng mga naghahari
palitan na ang bulok na sistema, hari't pari
dapat tayong magkaisa sa diwang makauri
ilagay sa posisyon ay atin namang kauri

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 4

Pera ng bayan

PERA NG BAYAN

paano ba dapat gamitin ang pera ng bayan?
dapat batid iyan ng sinumang nanunungkulan
dahil sila'y halal, ibinoto ng taumbayan
dapat sa kapakanang pangmasa ang katapatan

perang di dapat magamit sa sariling interes
kundi sa kapakanan ng maraming nagtitiis
sa hirap dahil sa kapritso ng kuhila't burgis
na katiwaliang ginawa'y makailang beses

dapat pera ng bayan ay gamitin sa serbisyo
ngunit di sa kapakanan ng tusong pulitiko
di para sa dinastiyang pulitikal at trapo
at lalo na, serbisyo'y di dapat ninenegosyo

kayraming corrupt na pera ng bayan ay inumit
iba'y ginagamit upang sila'y iboto ulit
dapat batid nilang iulat paano nagamit
ang pera ng bayan, gaano man iyon kaliit

ah, wala tayong kakampihan sa sinumang paksyon
ng naghaharing uri, kampon man niya o niyon
maging tapat lang ang halal sa sinumpaang misyon
ay makatitiyak ng suporta sinuman iyon

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat at litrato mula sa People's Journal Tonight, Setyembre 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING

tulad ni Caloy Yulo, nakadalawang ginto rin
si Lovely Inan sa sinalihan niyang weightlifting
ayon sa ulat, nauna si Angeline Colonia
na makakuha rin ng dalawang gintong medalya

animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas
ng Olympic gold medalist na si Hidylin Diaz
aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan
ang ating mga Olympian sa nasabing larangan

Lovely Inan at Angeline Colonia, pagpupugay
sa napili ninyong larangan ay magpakahusay
sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon
kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon

maraming salamat sa inyong inambag sa bansa
kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12

Sabado, Setyembre 21, 2024

Paglutang ng saksi

PAGLUTANG NG SAKSI

sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo
sa dyaryong P.M. mababasa mo
ang usapan ng dalawang pulis
hinggil sa paglutang daw ng witness

tanong: nahan ang witness sa krimen
sabi mo, lumutang na ang witness
sagot sa kanya'y ikauuntog
lumutang na ang saksi... sa ilog

nabiktima ng 'salvage' ang saksi
biktima ng sinumang salbahe
komiks iyon na dapat patawa
nabanggit ay kawalang hustisya

ang pinaslang na saksi sa krimen
na sa korte marahil aamin
ngunit saksi'y inunahang sadya
ng mga salbaheng gumagala

akala mo'y tatawa ka sa joke?
binunyag pala'y gawaing bugok
may malagim na katotohanang
ang hinihiyaw ay katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Setyembre 20, 2024, pahina 7

Lunes, Setyembre 16, 2024

Daniel Quizon, bagong Chess Grandmaster ng Pilipinas

DANIEL QUIZON, BAGONG CHESS GRANDMASTER NG PILIPINAS

si Chess International Master (I.M.) Daniel Quizon
ang panglabingwalong Chess Grandmaster ng ating bansa
nang two-thousand five hundred ELO rating ay maabot
at nakuha ang kailangang tatlong grandmaster norm

dalawampung anyos pa lamang nang maging grandmaster
nang si G.M. Efimov ay pinisak ng woodpusher
na Pinoy, doon sa FIDE Chess Olympiad sa Budapest
sa bansang Hungary, pinakitang Pinoy ang Da Best

sa AQ Prime ASEAN Chess Championship ang unang norm
sa Eastern Asia Chess Championship ang ikalawang norm
sa Hanoi Grandmasters Chess Tournament ang ikatlong norm
nakamit niya ang pinapangarap niya't misyon

sa bagong Pinoy Chess Grandmaster, kami'y nagpupugay
karangalan ka ng bansa sa kahusayang taglay
magpatuloy ka't kamtin ang marami pang tagumpay
sa iyo, Grandmaster Quizon, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante, Setyembre 16, 2024
.
.
.
TALAAN NG MGA FILIPINO CHESS GRANDMASTERS:

1st Grandmaster - Eugene Torre
2nd Grandmaster - Rosendo Carreon Balinas Jr.
3rd Grandmaster - Rogelio "Joey" Antonio Jr.
4th Grandmaster - Buenaventura "Bong" M. Villamayor
5th Grandmaster - Nelson I. Mariano III
6th Grandmaster - Mark C. Paragua
7th Grandmaster - Darwin Laylo
8th Grandmaster - Jayson Gonzales
9th Grandmaster - Wesley Barbasa So
10th Grandmaster - John Paul Gomez
11th Grandmaster - Joseph Sanchez
12th Grandmaster - Rogelio Barcenilla
13th Grandmaster - Roland Salvador
14th Grandmaster - Julio Catalino Sadorra
15th Grandmaster - Oliver Barbosa
16th Grandmaster - Richard Bitoon
17th Grandmaster - Enrico Sevillano
18th Grandmaster - Daniel Quizon

Janelle Mae Frayna - Unang Woman Grandmaster ng bansa

Reyes Cup sa World Billiard, ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes

REYES CUP SA WORLD BILLIARD, IPINANGALAN KAY EFREN "BATA" REYES

Team Asia versus Team Europe sa kauna-unahang Reyes Cup
na pandaigdigang tunggalian ng magagaling sa bilyar
ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes, ang Greatest Of All Time
o GOAT, tinaguriang "The Magician" sa buong mundo'y sikat

ang unang Reyes Cup ay gaganapin sa Oktubre sa bansa
na paligsahan ng mga iniidolo't kahanga-kanga
sa Ninoy Aquino Stadium ay magpapagalingang sadya
ang mga cue artist ng Asya at Europa ay magbabangga

ang format ng Reyes Cup ay tulad ng Mosconi Cup umano
apat na araw, dalawang elite team ang talagang sasargo
unang Reyes Cup ay dapat pagwagian ng mga Asyano
lalo't pinangalan kay Efren Reyes ang paligsahang ito

ang team captain ng Team Europe ay ang cue artist na si Karl Boyes
ang team captain naman ng Team Asia ay si Efren "Bata" Reyes
sinong mas magaling tumumbok, ang madiskarte at mas wais
halina't abangan natin ang Team Asia laban sa Europe's best

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 15, 2024, p.12

Pinoy cue artist 'Bad Koi' Chua, Kampyon sa World 9-Ball Tour

PINOY CUE ARTIST 'BAD KOI' CHUA, KAMPYON SA WORLD 9-BALL TOUR

Congratulations kay Johann Chua
nang sa bilyar ay tinalo niya
ang Taiwanese, iskor, 13-1 pa
noong Biyernes sa Shanghai, China

sinundan sina Rubilen Amit
at Carlo Biado sa nakamit
na tagumpay at bansa'y binitbit
kasaysaya'y kanilang inukit

tatlong Pinoy world champion sa 9-ball
ngayong taon ng twenty-twenty four
sino pang sa kanila'y hahabol?
streak bang ito'y sinong puputol?

pagpupugay, mabuhay ka, Bad Koi
ang tagumpay mo'y ipagpatuloy

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 15, 2024, p.12

Linggo, Setyembre 15, 2024

Astang Diyos?

ASTANG DIYOS?

pag mga batang babae ay kanya raw ginalaw
ay di siya kundi Diyos sa kanila'y gumalaw
nagbabanta ang "angel of death" pag sila'y tumutol
ang gawaing ganito'y paano ba mapuputol?

kaytinding sinabi ni Senadora Hontiveros
sa suspek na panginoon, "Huwag kang astang Diyos!"
dahil krimen ng pastor ay krimen sa sambayanan
"People of the Philippines versus" suspek na pangalan

paano ba lalabanan ang "appointed son of God"
lalo na't kayrami pa nitong kabig at alagad
sana'y mapatunayan ang mga krimen ng suspek
mabigyang hustisya ang kinulapulan ng putik

pati ba Diyos ay ginagamit sa panghahalay?
ng mga batang babaeng walang kamalay-malay
ang mag-astang Diyos sa bayan ay talagang dagok
sa krimeng gawa sa kulungan ay dapat mapasok

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Abante, Setyembre 15, 2024, headline at pahina 2

Huwebes, Setyembre 12, 2024

'Mambubudol'

'MAMBUBUDOL'

kaytindi ng sinabi / o ito na'y paratang?
'mambubudol' daw siya, / sabi ng mambabatas
na umano sa kapwa'y / talagang mapanlamang
ang mambubudol kasi / ay di pumaparehas

balbal iyong salita / sa gawang panloloko
o kapwa'y dinadaya / ng may tusong hangarin
parang budol-budol gang / na isang sindikato
kapwa'y pagkaperahan / ang kanilang layunin

iba ang budol-budol / doon sa akyat-bahay
dahil harap-harapan / ang panlilinlang nila
biktima'y walang tutol / na pera'y binibigay
sa mga nambobolang / di talaga kilala 

ngunit kung isang tao'y / tawaging 'mambubudol'
kahit sa pulitika, / dignidad na'y nasira
krimen iyong kumpara / sa hayop ay masahol
sariling pagkatao'y / sadyang kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
09.12.2024

* ulat at litrato mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang People's Journal Tonight, Setyembre 11, 2024

Parehong disenyo ng tatlong krosword

PAREHONG DISENYO NG TATLONG KROSWORD

pareho ang disenyo sa palaisipan
sa tatlong krosword sa dalawang dyaryo naman
pareho ring petsa, tanong ay nag-iba lang

ibig lang sabihin, maaaring gamitin
ang parehong disenyo kahit di mo pansin
mga katanungan lang doon ay baguhin

lalo pa't araw-araw ang krosword sa dyaryo
di lang tanda kung nasagot mo ba'y pareho
iba't ibang tanong sa parehong disenyo

paglikha ng krosword ay subukan ko kaya
ang dalawampung disenyo'y sapat nang sadya
upang makapaglibang din ako't ang madla

wikang Filipino pa'y naitataguyod
habang saliksik na salita'y hinahagod
dagdag-kita rin kahit maliit ang sahod

- gregoriovbituinjr.
09.12.2024

* ikalawa at ikatlong krosword sa pahayagang ABANTE, Setyembre 7, 2024, p.7
* ikalawang krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 7, 2024, p.7

Lunes, Setyembre 9, 2024

Pagpupugay kay Rubilen Amit, World 9-Ball Champion

PAGPUPUGAY KAY RUBILEN AMIT, WORLD 9-BALL CHAMPION

tila sinundan ang yapak ni Efren "Bata" Reyes
at naging World 9-Ball Champion din si Rubilen Amit
noon pa, sa kampyonatong ito'y nakipagtagis
labimpitong taon ang nagdaan bago nakamit

ilang beses na pala siyang sa pinal lumaban
laging ikalawa man sa kampyon, siya'y nagsikap
ang bawat niyang mga laro'y pinagbubutihan
hanggang makamit ang tagumpay na pinapangarap

noon, mga tumalo sa iyo'y mula sa Tsina
ngayon, mula sa Tsina ang tinalo mo talaga
kaya Rubilen Amit, pagpupugay, mabuhay ka!
magpatuloy ka sa laro, kami'y sumusuporta

noon ay world women's 10-ball title ang nakamit mo
ngayon ay world women's 9-ball ang nakamtang totoo
habang nag-world 10-ball champion din si Carlo Biado
kayo'y nagbigay ng karangalan sa bansang ito

- gregoriovbituinjr.
09.09.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Tempo, Bulgar, at Pang-Masa, Setyembre 9, 2024

Linggo, Setyembre 8, 2024

Nagpa-selfie sa pugante

NAGPA-SELFIE SA PUGANTE

animo'y sikat na artista ang pugante
gayong doon pa sa ibang bansa nahuli
pagdating sa bansa'y agad na nagpa-selfie
ang mga opisyal sa puganteng nasabi

walang masama kung sikat itong artista
subalit pugante ang kanilang nakuha
nahuli ng mga pulis ng Indonesia
na di nahuli ng ating pulis talaga

tulad ng ibang wanted na nalitratuhan
pag sa midya'y pinahayag sa taumbayan
ngunit ito'y iba, nahuli'y pakyut naman
mga opisyal ay nakangiti, tila fan

gayunman, paalala, siya'y isang takas
na dapat managot sa ilalim ng batas

- gregoriovbituinjr.
09.08.2024

* ulat mula sa SunStar Philippines at pahayagang Pang-Masa, Setyembre 7, 2024

Huwebes, Setyembre 5, 2024

8-anyos, wagi ng 9 na medalya sa swimming

8-ANYOS, WAGI NG 9 NA MEDALYA SA SWIMMING

isang magandang bukas yaong ating matatanaw
sa napakabata pang si Ethan Joseph Parungao
limang gold, tatlong silver, isang bronze, kanyang nakamtan
sa isang paligsahan sa swimming sa Bangkok, Thailand

aba'y nasa edad walo pa lang, siya'y nanalo
karangalan sa bansa ang tagumpay niyang ito
Grade 3 student ng Notre Dame of Greater Manila
na naiuwi sa swimming ang siyam na medalya

ang ating masasabi'y taasnoong pagpupugay
kay Ethan Joseph Parungao, mabuhay ka! Mabuhay!
pangalan niya'y mauukit na sa kasaysayan
bilang bagong dugong atletang dapat alagaan

ipagpatuloy mo, Ethan, ang magandang simula
isa ka sa future sa Olympics ng ating bansa

- gregoriovbituinjr.
09.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 4, 2024, pahina 8

Lunes, Setyembre 2, 2024

Ang natutunan ni Efren "Bata" Reyes kay Chiquito

ANG NATUTUNAN NI EFREN "BATA" REYES KAY CHIQUITO

magaling din palang magbilyar si Chiquito
at sa panonood lang sa kanya ni Efren
ng bilyar ay maraming natutunan ito
kung kaya si Efren ay talagang gumaling

sa panonood lang kung paano tumumbok,
magpasunod ng bola, magpaatras, pektus
hanggang marating ni Efren Reyes ang tuktok
ng tagumpay, sa bilyar ay dakilang lubos

obserbasyon lang, di aktwal na tinuruan
ni Chiquito na magaling na komedyante
sa panonood lang sa kanya natutunan
ni Efren Reyes ang marami pang diskarte

mabuhay ka, Chiquito; mabuhay ka, Efren
sa kulturang Pinoy nga'y tunay kayong moog 
salamat, Chiquito, kami'y pinatawa rin
sa mga pelikula mo, tunay kang kalog

salamat, Efren, taospusong pagpupugay
mabuhay ka sa mga ambag mo sa bansa
sa internasyunal, nakilala kang tunay
kahit matanda na, ikaw pa rin si Bata

- gregoriovbituinjr.
09.02.2024

* mula sa reel ng "looban billiards" facebook page na mapapanood sa kawing na: 

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...