Mga tula batay sa mga ulat sa pahayagan, napapanahong balita, at mga pangyayaring nilahukan ng makata.
Miyerkules, Pebrero 28, 2024
Karumal-dumal
KARUMAL-DUMAL
"Kalunos-lunos ang sinapit ng 8-anyos na batang babae nang matagpuan kamakalawa ng hapon sa Naragusan, Davao de Oro. Basag ang bungo, may sugat sa mukha, at may marka ng sakal sa leeg ang biktima... May indikasyon ding ginahasa ang biktima, ayon sa pulisya." - ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 28, 2024, p.9
"Hustisya!" ang tiyak nating sigaw
sa batang ginahasa't pinatay
"Katarungan!" ang tiyak na hiyaw
ng mamamayan, lalo ng nanay
talaga namang karumal-dumal
ang krimeng gawa ng isang hangal
walong anyos na bata'y sinakal
ginahasa't búhay ay pinigtal
nawa salarin ay masakote
bagamat may isa nang nahuli
na itinuro ng mga saksi
na kasama ng batang babae
ay, talagang nakapaninimdim
ang ginawang karima-rimarim
dapat lang managot ang salarin
sa krimen niyang sadyang malagim
- gregoriovbituinjr.
02.28.2024
Martes, Pebrero 27, 2024
Ang karapatan sa paninirahan sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo
ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN SA KOMIKS NA BUGOY NI MANG NILO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi masasabing lagi na lang patawa ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo. Sapagkat sa isyung Pebrero 27, 2024 ng pahayagang Pang-Masa, pahina 7, ay hindi siya kumatha ng komiks na ikatatawa ng tao. Bagkus ay katha ng paglalarawan ng paninirahan ng ibon at tao. Kumbaga, isa iyong pabula na pinagsalita niya ang ibon sa ikatlong kahon ng comics strip.
Naglalarawan ng awa sa naganap na kawalan ng tahanan.
Sa unang kahon ay sinabi ng tao sa kanyang sarili, "Kawawang ibon... Walang masisilungang bahay."
Sa ikalawang kahon ay pagkidlat, at pagkakaroon ng malakas na bagyong naging dahilan upang lumubog ang bahay ng tao, na inilarawan sa ikatlong kahon, kung saan ibon naman ang nagsabi, "Kawawang tao... Lumubog ang bahay!"
Walang nakakatawa, subalit ipinakita ng komiks ang kaibahan ng tao at ibon nang mawalan ang mga ito ng bahay. Ipinakita ang isang katotohanan, na bagamat hindi natin nakikitang nagsasalita ang ibon, maliban marahil sa loro, na naaawa sila sa isa't isa pag nawalan ng tahanan.
Ang ibon ay walang punong masilungan, habang ang tao ang lumubog ang bahay dahil sa bagyo't baha.
Anong gagawin sa ganitong kalagayan? May mga taong nawalan ng tahanan dahil dinemolis, habang ang iba'y itinapon sa malalayong relokasyong malayo sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.
Kung naitapat pa ang nasabing komiks sa petsang Oktubre 10, masasabi nating itinapat ng may-akda sa World Homeless Day ang kanyang comics strip.
Subalit paano ba natin masasabing may sapat na pabahay o masisilungan ang tao. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.
1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;
2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);
3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;
4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;
5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;
6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;
7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.
Paano naman ang pabahay sa panahon ng nagbabagong klima, tulad ng naganap na Ondoy at Yolanda, na talagang umugit ng kasaysayan ng trahedya sa ating bansa? halina't tunghayan natin ang ulat ng Special Rapporteur na nalathala sa website ng United Nations Human Rights Office of the High Commissioner.
The right to adequate housing in disaster relief efforts (2011)
The report of the Special Rapporteur on the right to adequate housing assesses human rights standards and guidelines relevant to an approach to disaster response based on the right to adequate housing and discusses some existing limitations. It elaborates upon key challenges relating to the protection and realization of the right in disaster response: inattention to or discrimination against vulnerable and disadvantaged groups; the overemphasis on individual property ownership and the associated difficulty to recognize and address the multiplicity of tenure forms equally in restitution and recovery programmes; the risks of approaching post-disaster reconstruction predominantly as a business or development opportunity that benefits only a few; and limitations in existing frameworks for reconstruction and recovery.
(Ang karapatan sa sapat na pabahay sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad (2011)
Sa ulat ng Espesyal na Rapporteur sa karapatan sa sapat na pabahay, tinatasa ang mga pamantayan ng karapatang pantao at mga alituntunin kaugnay sa paano ang pagtugon sa kalamidad batay sa karapatan sa sapat na pabahay at tinatalakay ang anumang umiiral na limitasyon. Ipinapaliwanag nito ang mga pangunahing hamon na may kaugnayan sa proteksyon at pagsasakatuparan ng karapatan sa pagtugon sa kalamidad: kawalan ng atensyon o diskriminasyon laban sa mga bulnerable at grupong may kahinaan; ang labis na pagbibigay-diin sa pagmamay-ari ng indibidwal na ari-arian at ang kaugnay na kahirapang kilalanin at tugunan ang maramihang mga anyo ng panunungkulan nang pantay-pantay sa mga programa sa restitusyon o pagsasauli at rekoberi o pagbawi; ang mga panganib ng rekonstruksyon matapos ang kalamidad na gawing negosyo o pagkakataon sa pag-unlad na nakikinabang lamang sa iilan; at mga limitasyon sa umiiral na mga balangkas para sa rekonstruksyon at pagbawi.)
Mayroon ding batas hinggil sa animal welfare, kung titingnan nating ang mga ibon ay animal din, at hindi lang ang mga may apat na paa, tulad ng aso, pusa, baboy, kalabaw, baka, leyon, tigre, at iba pa.
Halina't basahin natin ang Seksyon 1 ng Batas Republika 8485 ng ating bansa, na mas kilala ring "The Animal Welfare Act of 1998": It is the purpose of this Act to protect and promote the welfare of all animals in the Philippines by supervising and regulating the establishment and operations of all facilities utilized for breeding, maintaining, keeping, treating or training of all animals either as objects of trade or as household pets. For purposes of this Act, pet animal shall include birds."
Salin sa wikang Filipino: Layunin ng Batas na ito na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng lahat ng mga hayop sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagsasaayos sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagpapanatili, pag-iingat, paggamot o pagsasanay ng lahat ng mga hayop, ito man ay para sa kalakalan o kaya'y bilang mga alagang hayop sa bahay. Para sa mga layunin ng Batas na ito, dapat isama sa alagang hayop ang mga ibon.
Malinaw na kasama ang mga ibon sa dapat protektahan ng tao. Kaya ang mga karapatang ito sa paninirahan ng tao at ng mga hayop ay dapat nating batid at igalang. Ginawan ko ng tula ang paksang ito:
ANG TAHANAN NG TAO AT NG IBON SA KOMIKS NI MANG NILO
di patawa lang ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo
pagkat nagtalakay ng paksang sosyo-politiko
sa kanyang ideya ay mapapahanga kang totoo
pagkat mapapaisip ka sa paksang ikinwento
hinggil ito sa karapatan sa paninirahan
ng mga tao, ng hayop, ng ibon, ng sinuman
ang food, clothing, shelter nga noon ay napag-aralan
sa eskwela na pangunahing pangangailangan
Tao: "Kawawang ibon... walang masilungang bahay."
sa kanyang sinabi'y tila di siya mapalagay
tapos ay bumagyo, baka may bahay pang natangay
anang Ibon: "Kawawang tao... lumubog ang bahay!"
mabuhay si Mang Nilo sa komiks niya't ideya
simple lang subalit nakakapagmulat talaga
bagamat komiks, ito'y may aral, hindi patawa
pagpupugay po, Mang Nilo, at sa dyaryong Pang-Masa!
02.27.2024
Pinaghalawan:
pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2024, pahina 7
Sabado, Pebrero 24, 2024
Kayraming basurang plastik sa Manila Bay
KAYRAMING BASURANG PLASTIK SA MANILA BAY
pinuna ng editoryal sa pahayagang Pang-Masa
ang Manila Bay dahil sa naglutangang basura
ano bang dapat gawin sa nabanggit na problema?
sa bansa'y "sachet economy" ang tinaguri pa
imbes na nakabibighaning paglubog ng araw
ay tone-toneladang plastik yaong matatanaw
naglutangang single use plastic ay doon naligaw
sa nangyayari bang ito'y anong iyong pananaw?
ayon pa sa ulat, Manila Bay daw ang hantungan
ng mga basura ng nakapaligid na bayan
at lungsod, pawang basurang plastik na pinaglagyan
ng shampoo, kape, ketsup, chicharon, noodles din naman
dahil sa kultura natin ay nauso ang tingi
bibilhin ang nais batay sa hawak na salapi
konting shampoo, samplastik na toyo, ay, pinadali
ang buhay, single use plastic na'y gamit nang masidhi
kaya pangangalaga sa paligid ay paano?
kung bawat tingi ay may plastik, bibilhing totoo
maning limang piso, bawat butil ng bawang piso
tambak na ang plastik, may magagawa pa ba tayo?
- gregoriovbituinjr.
02.24.2024
Labinglimang patay sa nahulog na trak
LABINGLIMANG PATAY SA NAHULOG NA TRAK
"Umakyat na sa 15 ang bilang ng nasawi sa pagkahulog ng truck sa bangin sa Brgy. Bulwang, Mabinay, Negros Oriental nitong Miyerkules ng hapon."
"Patungo sila sa Brgy. Dawis sa Bayawan City mula sa bayan ng La Libertad at tinahak ang daan sa bayan ng Mabinay nang mahulog ang truck sa bangin sa kurbadang bahagi."
"Sa inisyal na imbestigasyon, ayon na rin sa driver, nawalan siya ng kontrol nang mawalan ng preno ang truck kaya nag-overshoot ito."
"Sumirko ang truck matapos mahulog sa 20 metrong lalim na bangin. Dead on the spot ang 15 sakay.
~ ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 22, 2024, p.2
kayraming aksidente
ang madalas mangyari
tulad ng ulat, may trak
na sa bangin bumagsak
kayraming napahamak
at namatay sa sindak
biglaan ang disgrasya
biktima'y labinglima
ang dahilan ba'y ano
nawalan daw ng preno
nang sa pagliko nito
sa bangin dumiretso
sinong dapat managot
sa nangyaring hilakbot
sino bang masisisi
sa ganyang pangyayari
kaytinding aksidente
nakikiramay kami
- gregoriovbituinjr.
02.24.2024
Biyernes, Pebrero 23, 2024
Estudyanteng buntis, sinaksak ng nobyo
ESTUDYANTENG BUNTIS, SINAKSAK NG NOBYO
"Dahil sa hindi umano pagpayag na ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay walang awang inatado ng saksak ang 18-anyos na senior high school student na tatlong buwang buntis ng kanyang nobyo, naganap sa Barangay Maahas, Los Baños, Laguna." ~ unang talata sa balitang "Estudyante na buntis, sinaksak ng nobyo, headline sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2024, pahina 1 at 2
saanmang gubat ay may ahas
pati sa Barangay Maahas
kahindik-hindik na balita
na talagang nakabibigla
karahasan ang nanariwa
sa nobyong nababaliw yata
sinaksak ang kanyang katipan
estudyanteng buntis pa naman
nais na bata'y ipalaglag
ngunit dalaga'y di pumayag
nobyo'y di na nagdalang habag
nang marinig ang pinahayag
biglang sinaksak ang dalaga
pag-ibig na naging trahedya
buti't may mga sumaklolo
sa dilag nang siya'y tumakbo
hustisya nawa'y kamtin nito
at madakip na ang demonyo
- gregoriovbituinjr.
02.23.2024
Miyerkules, Pebrero 21, 2024
Boksingerong anak ni Pacquiao ang isabak sa Paris Oympics
BOKSINGERONG ANAK NI PACQUIAO ANG ISABAK SA PARIS OLYMPICS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Overage na si Manny Pacquiao kaya hindi inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na makuha ang awtomatikong tiket ni Pacquaio upang makalahok sa 2024 Paris Olympic Games sa Paris, sa bansang Pransya. Nasa edad 45 na si Pacquiao habang hanggang 40 anyos ang age limit ng lahat ng boksingerong lalahok sa Olympic Games.
Ikalawa, kailangan din ni Pacquiao na sumalang sa qualifying tournament upang makapasok sa Olympics. Ito'y ayon sa mga balita sa iba't ibang dyaryo at social media.
Matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas sa 2020 Olympic Games, marahil ay saka naisip ni Pacquiao na sumali at katawanin ang Pilipinas sa Olympics. Dahil kung pangarap talaga niya ito, aba'y noong bago pa niya kalabanin si Ledwaba, o noong talunin niya si Barrera ay dapat naisip at pumasok na siya sa boxing team ng Pilipinas sa Olympics. Subalit hindi.
Na-inspire lang marahil talaga siya dahil nakakuha ng dalawang Olympic medals si Diaz, silver medal noong 2016 Rio Olympic at gold medal sa 2020 Tokyo Olympics. Subalit hindi naman masamang magmungkahi kung nais ni Pacquiao na matupad ang kanyang pangarap na makakuha ng medalya sa Olympics.
Ihabol niya ang boksingero niyang anak na si Jimuel na nagboboksing na rin upang sumabak sa Olympic Games. Iyan ang pinakamagandang mungkahi na maaari niyang gawin.
Kumbinsihin ni Pacquiao ang boksingero ring anak niyang si Jimuel na lumaban sa Paris Olympics. Ang kanyang anak ang siyang tutupad sa pangarap ng ama na manalo ng medalya sa Olympics. Ano pa ang hinihintay natin?
Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:
JIMUEL PACQUIAO ANG ILABAN SA OLYMPIC GAMES
sa Olympic Games ay di na kwalipikado
si Manny Pacquiao, ngunit may alternatibo
ang kanyang anak na isa ring boksingero
ay kumbinsihing "Mag-Olympics ka na, iho"
may ulat pang kampyong si Canelo Alvarez
ang kanyang tagapagsanay kaya mabilis
umunlad sa boksing, tila walang kaparis
sa amatyur man ay nagpakita ng bangis
kaya Manny, si Jimuel, panganay mong anak
sa Paris Olympics Games ay iyong isabak
bagong landas iyon na kanyang matatahak
at sa gabay mo'y di siya mapapahamak
nandyan si Jimuel, bansa'y di na maghahanap
siya ang katuparan ng iyong pangarap
basta sa pagsasanay, siya'y magsisikap
balang araw, gold medal ay kakamting ganap
02.21.2024
Pinaghalawan ng datos:
Balita sa pahayagang Pang-Masa (PM), Pebrero 19, 2024
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Book Sale
BOOK SALE laking National at laking Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...
-
SAHOD NG MANGGAGAWA, ITAAS! SAHOD NG SSS EXECUTIVES, BAWASAN! IBAHAGI SA MANGGAGAWA! Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa ...
-
HINDI PA LAOS SI IDOL isang MMA fighter si Eduard Folayang na ilang beses nang nagwagi sa labanan nais niyang bumalik at lumaban sa ONE Cha...
-
KAYRAMING BASURANG PLASTIK SA MANILA BAY pinuna ng editoryal sa pahayagang Pang-Masa ang Manila Bay dahil sa naglutangang basura ano bang...