Lunes, Enero 15, 2024

Ang frost o andap

ANG FROST O ANDAP
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang frost ba sa salitang Benguet ay andap? Ito ang nabasa ko sa balita sa pahayagang Abante, Enero 15, 2023, pahina 3. Ang balita ay may pamagat na "Mga Benguet farmer inalerto sa frost".

Ayon sa unang talata ng balita: "Naghahanda na ang mga magsasaka ng Atok, Benguet sa magiging epekto ng 'frost' o 'andap' dahil sa lalong tinatamaang lamig sa Benguet."

Tinanong ko si misis hinggil dito pagkat siya't taga-La Trinidad, Benguet, at ang mga ninuno'y taga-Mountain Province, at halos dalawang taon ding nagtrabaho sa Atok. Subalit hindi niya arok kung ano ang andap, pagkat ang alam din niya, ang andap ay salitang Tagalog, na ibig sabihin ay kutitap o patay-sindi. Nagagamit ko rin ang andap sa pagtula tulad ng aandap-andap ang buhay ng mahihirap.

Si misis ay Igorota subalit ang salita sa Atok, ayon sa kanya, ay Ibaloi. Nakakita na ako ng diksyunaryong Ibaloi, na makapal, subalit natatandaan ko'y nasa isang pinsan ni misis sa Baguio. Marahil pag nagawi uli kami roon ni misis ay titingnan ko muli ang diksyunaryong Ibaloi kung ano ang andap.

Nahanap ko naman sa facebook post ng PTV Cordillera na ginamit ang frost bilang andap, sa kanilang post noong Enero 10, 2021, tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa kanilang ulat: "Naitala ang 'andap' o frost sa Paoay, Atok, Benguet ngayong umaga kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura. Alas kwatro ng madaling araw kanina ay naitala ang 11 degrees celsius na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4 degrees celsius kaninang 6:30 ng umaga. Mas mababa naman ang temperatura sa mataas na bahagi ng Benguet."

Ibig sabihin, hindi typo error na ang frost ay andap kundi ito marahil ang native o taal na salita sa Benguet ng frost. Hindi natin ito makita sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), lalo na sa English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Ang dalawang iyan kasi ang dalawang diksyunaryong nasa akin kaya sinasangguni ko. Bukod sa iba pang diksyunaryong maliliit na nasa akin. Sa UPDF naman ay may mga entri ng iba't ibang lengguwahe sa bansa, kaya nagbakasakali ako roon. May Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Igorot, Meranaw, at iba pa.

Ayon sa ETD, pahina 393, ang frost ay frozen dew: Hamog na nagyelo. Namuong hamog.

Ayon naman sa UPDF, pahina 374, ang frost ay salitang Ingles na nangangahulugang 1: pamumuo o pagtigas dahil sa lamig; 2: lamig ng temperatura na sapat na makapagpayelo; 3: namuong hamog dahil sa lamig.

Ayon pa sa UPDF, pahina 53, ang andap ay 1: liwanag na malamlam, kukurap-kurap o patay-sindi; 2: {Sinaunang Tagalog] pagkurap ng mga mata. Sa kasunod na entri, ang andap din ay "takot". Kaya pala, may naririnig ako noong bata pa ako, pag sinabing "andap ka sa kanya, ano?", iyon pala'y takot ka sa kanya kaya iniiwasan mo siya.

Mas malinaw ang paliwanag sa www.cordillera.com sa kanilang post noong Enero ng taon 2020: Frost or 'andap' in local language is a yearly occurrence in the months of January or February. It usually occurred due to a cold temperature brought by the northeast monsoon or 'amihan'.

Kaya nang mabatid kong may lokal na salita sa frost, at ito nga ang andap (na marahil nga'y salitang Ibaloi), aba'y may magagamit na akong wikang katumbas ng frost para sa tula. Mahirap ding gamitin dahil nga may andap sa wikang Tagalog. Baka makalito lang. Subalit ginawan ko pa rin ng tula sa aking notbuk na nais kong ibahagi sa inyo:

ANG FROST O ANDAP

ang salin pala ng frost ay andap sa Atok, Benguet
nabasa sa ulat ni Atok Mayor Franklin Smith

nasa ten degrees Celsius na raw ang temperatura
na baka raw eight degrees Celsius ang ibababa pa

mga magsasaka roo'y pinaalalahanan
ang banta ng lumalamig na klima'y paghandaan

kaya maaga nilang didiligan ang pananim
upang matunaw ang yelo't di malanta ang tanim

sabi ni misis, ang andap ay salitang Ibaloi
kako naman, sana pananim nila'y di maluoy

naisip ko, buhay na kaylamig, aandap-andap
anong gagawin kung walang init na natatanggap

01.15.2024

Sabado, Enero 13, 2024

Kolum na patula sa dyaryo


KOLUM NA PATULA SA DYARYO
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas kong nakikita sa pesbuk ang paglalathala ng kolum na patula ng isang katotong makata. Dahil pahayagang paglalawigan, tiyak na malaki ang naaabot niyon.

Subalit sa age of social media, nawawala na ang ibang pasulatan, o yaong nalilimbag sa papel. Kaya natutuwa ako sa katoto kong makatang si Glen Sales, isang guro, at kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, sa lingguhang paglabas ng kanyang kolum na patula na pinamagatang DAGITAB sa pahayagang Laguna Courier. Dahil dito'y saludo ako kay kamakatang Glen Sales.

Lalo na't bihirang makata na ngayon ang nalalathala sa mga pahayagan at magasin, maliban sa magasing Liwayway na laging may itinatampok na tula. Hindi ko naman matandaan na ang pangalan ng dyaryo sa Bulacan na may kolum din na patula, na nababasa ko noon. Sa mga arawang pahayagan naman tulad ng Abante, Bulgar, Pang-Masa, Pilipino Star Ngayon, Remate, Sagad, atbp. bihira naman ang may kolum na patula. At bihira rin silang naglalathala ng tula.

Ako naman ay may pinagsusulatang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na nasimulan kong muli nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng KPML noong Setyembre 16, 2018. Ito'y nalalathala ng dalawang beses sa isang buwan. Una ko itong hinawakan at nilathala noong taon 2001 nang maging staff ng KPML hanggang Marso 2008 nang ako'y mawala sa KPML dahil di na nag-renew ang funder, na siyang dahilan kaya nakakapaglathala noon ng Taliba ng Maralita.

Dati ay may pahayagang Obrero mula taon 2003 hanggang 2010 ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kung saan isa ako sa nagsusulat, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) mula 2011-2012 na pinagsusulatan ko rin, subalit wala na ang mga ito ngayon. Kaya malaking bagay sa akin na may pinagsusulatang pahayagang Taliba ng Maralita.

Ang unang sukat nito noon ay 8.5 x 11.5 o sukat ng short bond paper, walong pahina kada isyu, at naglalathala ng 1,000 kopya kada labas, mula sa isang printing company. Subalit ngayon, lumiit na ang Taliba ng Maralita, na ang sukat ay kalahati ng short bond paper, na may 20-pahina kada isyu. Subalit wala pang isandaang kopya bawat labas dahil na rin sa kakapusan ng salapi, at wala nang funder para sa proyektong ito. 

Tulad ng ibang pahayagan, nilalaman nito'y headline, editoryal, mga balita, kolum ng pangulo ng KPML, komiks, at mga pahayag ng KPML. Ang kaibahan lang, may pampanitikan dito tulad ng Liwayway, pagkat sa pahina 18-19 nito ay maikling kwento, at sa pahina 20 ang mga tula. Ang tatlong dulong pahinang iyon ang kumbaga'y kolum ko.

Nakakatuwa nga na minsan ay sinabihan ako ng pangulo ng aming organisasyon, na pulos tula daw ang sinusulat ko. Aba'y isang pahina lang ang tula, ah, at sa dulong pahina pa, subalit ito ang pumukaw sa kanyang isip.

Kung ang kamakatang Glen Sales ay may apat na beses na labas ng kolum na patula kada buwan, ako naman ay dalawang beses kada buwan. Kung ang kanyang dyaryo'y nasa sanlibong kopya kada labas, ang Taliba ng Maralita ay wala pang isandaang kopya kada labas.

Gayunpaman, kung walang Taliba ng Maralita, pakiramdam ko'y manunulat akong walang pinagsusulatan. Kaya taospusong pasasalamat sa Taliba ng Maralita sa paglalathala ng aking maikling kwento't mga tula sa bawat isyu nito.

Nais ko pa ring magsulat at malathala sa iba pang pahayagan, lalo na't malawak ang naaabot, hindi lang sa social media o sa internet. Iba pa rin talaga ang malathala ka sa pahayagan na iyong nahahawakan at nababasa. Ginawa ko nang misyon ang pagsusulat sa Taliba ng Maralita lalo na't ito na lang ang pinagsusulatan kong dyaryo.

01.13.2024

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...