Linggo, Setyembre 10, 2023

Nakaligtas sa 'salvage'

NAKALIGTAS SA 'SALVAGE'

sa ulat, dinukot ng mga suspek ang biktima
pinagbabaril, sa puting S.U.V. inilulan
at ang biktima'y itinapon sa gilid ng daan 
nagpatay-patayan kaya sa 'salvage' nakaligtas

ang 'salvage' ay di Ingles na ibig sabihin ay 'save'
kundi salitang nagmula sa Kastilang 'salvaje'
ibig sabihin, biktima'y talagang sinalbahe
na buong pagkatao'y pinuntirya ng salbahe

marahil ang apat na suspek ay inutusan lang
dahil baka biktima'y marami nang nalalaman
o baka biktima'y kasama sa mga kalaban
sa mga gaya nila'y mayroon palang digmaan

di natin alam, batay lang sa nabasang balita
sa pahayagan, biktima'y nakaligtas pang sadya
pag-'salvage' ay gawaing di patas, kasumpa-sumpa
pamilya ng biktima'y tiyak tigib ang pagluha

- gregoriovbituinjr.
09.10.2023

* balita mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Setyembre 9, 2023, pahina 1 at 9

Biyernes, Setyembre 8, 2023

Mag-ingat sa mapagsamantala!

MAG-INGAT SA MAPAGSAMANTALA!

mag-ingat lagi, bilin ni nanay
sa may trabaho niyang panganay
at baka buwitre'y sumalakay
iniingatang puri'y maluray

karima-rimarim na balita
isang pasahero'y ginahasa
ng rider, sinamantalang sadya
ang babaeng lasing, nanghihina

imbes na ihatid sa tahanan
sa motel dinala ng haragan
ang babaeng di na naingatan
ang puri dahil sa kalasingan

sa gimik nanggaling ang babae
ng madaling araw sa Malate
kaya ingat lagi, mga Ate
at baka malapang ng buwitre

hanap ng babae ay hustisya
sana ito'y kanyang makamtan pa
ito'y malaking aral sa iba
pag-iingat, isipin tuwina

- gregoriovbituinjr.
09.08.2023

* "Babaeng pasahero, ni-rape ng rider", ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 8, 2023, pahina 1 at 6

Martes, Setyembre 5, 2023

Dagat ng basura't baradong kanal

DAGAT NG BASURA'T BARADONG KANAL

sinong maysala sa baradong kanal?
bakit dagat ng basura'y nariyan?
nang bagyo'y manalasa, natigagal
di ba't tayo rin ang dahilan niyan?

nagbarahan ang sangkaterbang plastik
sa mga baradong kanal sumiksik
naglutangan sa dagat ang basura
na kagagawan natin, ninyo, nila

anong gagawin at maitutulong?
upang basurang iyan ay tanggalin
sa dagat ng basura ba'y susuong?
upang basura'y isa-isang kunin?

baha dahil sunod-sunod ang unos
problemang ito'y ating isaayos
anong sama't basura'y inaanod
sa dagat na itong nakalulunod

- gregoriovbituinjr.
09.05.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Setyembre 4,2023, pahina 2

Lunes, Setyembre 4, 2023

20 Haiku hinggil sa typhoon Haikui

20 HAIKU HINGGIL SA TYPHOON HAIKUI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nananalasa ngayon sa bansa ang bansang Hanna, na ang international name ay Haikui. Sa una kong basa sa Ulat Panahon sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, ito'y Haiku, isang anyo ng pagtulang Hapones, na may pantigang 5-7-5. Subalit nang muli kong tingnan, Haikui pala, hindi typhoon Haiku. Gayunpaman, naisipan kong kumatha ng ilang haiku hinggil sa typhoon Haikui.

Ilang pantig ba ang Haikui? Ang pronunciation o pagkabigkas sa bagyong Haikui, ayon sa http://paladinofstorms.net/cyclone/typhoon.html ay Haikui "high-kway". Ibig sabihin, dalawang pantig. Subalit maaari ring tatlong pantig dahil sa titik k.

Kaya pinakinggan ko ang bigkas sa isang balita sa bidyo na https://www.youtube.com/watch?v=ezu0aAxSYsA na may pamagat na Haikui expected to become another typhoon threat - August 29, 2023, binasa ang Haikui na haykuwi. Tatlong pantig.

Dahil may titik k, kaya ipinagpalagay ko nang tatlong pantig pati ang naunang saliksik na "high-kway. Narito ang ilang haiku na kinatha ko hinggil sa bagyong Haikui.

1
bagyong Haikui
ay kaylakas na bagyo
mag-ingat tayo

2
ang ibong gala
sa bagyo'y basang-basa
tila tulala

3
ingat sa ihi
ng daga pag nagbaha
lestospirosis

4
dyip ay tumirik
at pasahero'y siksik
sa baha't trapik

5
di pala haiku
kundi bagyong Haikui
ang pagkasabi

6
pinagmamasdan
ko ang bahang lansangan
kaligaligan?

7
ang bagyong Hanna
na Haikui rin pala
nananalasa

8
dumapong ibon
sa kawad ng kuryente
sa bagyo'y ginaw

9
mapapakain
sana ang mga anak
kahit may unos

10
pag nadisgrasya
ka sa manhole na bukas
sinong sisihin?

11
sa botang butas
pag nilusong sa baha
ay, alipunga

12
papasok pa rin
sa trabaho, baha man
nang makabale

13
hawakang husay
iyang payong mong taglay
baka matangay

14
kaygandang dilag
ang kasabay sa baha
puso'y pumitlag

15
pulos basura
sa kalye'y naglipana
anod ng baha

16
bubong na butas
aba'y tagas ng tagas
sinong gagawa

17
kayraming plastik
na nagbara sa kanal
walang magawa?

18
basa ng dyaryo
o makinig ng radyo
kapag may bagyo

19
tagas na tubig
ay ipunin sa timba
pang-inidoro

20
kapag may unos
mabuti't may PAGASA
makapaghanda

09.04.2023

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...