Huwebes, Hunyo 22, 2023

Isang kaso ng OSAEC

ISANG KASO NG OSAEC

isa pang kaso ng OSAEC ang napabalita
Online Sexual Abuse and Exploitation of Children
sa sex video chat, ina'y ginamit ang mga bata
buti't ang nanay, ayon sa ulat, ay nahuli rin

upang magkapera lang, pinagsasamantalahan
ang mga anak, na katwiran, di naman nahipo
ang katawan ng anak kundi pinanood lamang
ganito ba'y tamang katwiran, nakasisiphayo

kayraming ikakaso sa nanay na siyang utak:
Anti-Online Abuse and Exploitation of Children Act,
ang Anti-Child Abuse Law, ang Cybercrime Prevention Act,
pati na Expanded Anti-Trafficking in Persons Act

dapat batid ng mamamayan ano ang OSAEC
ganitong krimen sa batas natin na'y natititik
parang halik ni Hudas ang sa anak binabalik
habang sa pera ng kostumer ay sabik na sabik

- gregoriovbituinjr.
06.22.2023

* mga ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 22, 2023, p. 1-2, at Pilipino Star Ngayon, Hunyo 22, 2023, p. 1 at p. 8

Miyerkules, Hunyo 21, 2023

Hina, Hinala, Hinalay

HINA, HINALA, HINALAY

aba'y grabe ang balitang iyon
dalagang labingsiyam na taon
yaong "hinihinalang hinalay
itinali sa puno, pinatay"


sinamantala ang kahinaan
ng mutyang marahil walang muwang
na mangyayari iyon sa kanya
gayong pupuntahan ay pagsamba

bakit kaya ang dalagang iyon
ay pinaslang ng pagayon-gayon
sinumang gumawa'y walang budhi
sa mundo'y di dapat manatili

dapat ang salarin na'y madakip
ang kanyang mundo na'y sumisikip
tiyak, nagmamahal sa biktima
ngayo'y humihiyaw ng hustisya!

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* ulat at larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 20, 2023

Miyerkules, Hunyo 7, 2023

Mabuhay ang mga migranteng manggagawa!

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA!

tinaguriang bayani dahil nagsakripisyo
pamilya'y iniwanan upang makapagtrabaho
ng kung ilang taon sa malayong bansa dumayo
kahit na ma-homesick ay nagsisikap umasenso

nangibang-bayan na't kulang ang trabaho sa bansa
kayraming nilang nagtrabaho para sa banyaga
sa maraming bayan sa kanluran, timog, hilaga
habang iniwanang tiwangwang ang tigang na lupa

huwag lang sa illegal recruiter ay magpaloko
ibinenta ang kalabaw upang ipambayad mo
sa samutsaring papeles o mga dokumento
dito pa lang, nagsakripisyo na silang totoo

lumipat ng lugar nang makapagtrabaho roon
o kaya'y upang sila'y manirahan na rin doon
magandang bukas ang hinahanap ng mga iyon
kaginhawahan ng pamilya ang kanilang layon

oo, magandang buhay ang malimit sinasabi
na marahil di maranasan sa bansang sarili
kaya ang mga migrante ba'y ating masisisi
kung sa ibang bansa na'y naakit sila't pumirmi

pumirmi nang pansamantala o panghabambuhay
pasiya nila iyang di mapipigilang tunay
O, migrante, kami po'y taospusong nagpupugay!
sana, sakripisyo ninyo'y magbunga ng tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 7, 2023, pahina 5

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...