Miyerkules, Abril 19, 2023

Unang anibersaryo ng pamamaril kina Ka Leody

UNANG ANIBERSARYO NG PAMAMARIL KINA KA LEODY

hapon ng Abril disinwuwebe, taong nakaraan
sina Ka Leody ay pinagbabaril daw naman
habang nangangampanya ay aming nabalitaan
tingnan daw namin sa pesbuk, sabi ng kasamahan

habang sa mga katutubo'y nakikipag-usap
nang malutas ang problema nilang kinakaharap
hinggil sa lupang ninunong inagaw sa mahirap
nang sila na'y pinagbabaril, iyon ang naganap

may ilang nasugatan, ayon sa balita noon
na naganap sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon
kausap nila'y tribu ng Manobo-Pulangiyon
mabuti na lang at walang namatay sa naroon

kinabukasan ay headline sa dyaryo ang nangyari
kaya ilang dyaryo ang sa amin ay pinabili
nang mga naganap ay mabasa naming mabuti
ngayon ang unang anibersaryo ng insidente

buti't sina Ka Leody, Walden, at D'Angelo
ay di natamaan, habang may sugatang totoo
buti't napag-usapan naman ang talagang isyu
inagaw ang lupaing kinabukasan ng tribu

isyu ng lupang ninuno'y pag-usapan talaga
dapat ibalik ang lupang inagaw sa kanila
pagsasamantala sa katutubo'y wakasan na
dapat nang mabago ang ganyang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
04.19.2023

Huwebes, Abril 6, 2023

Mga pinaslang na Pinay sa Kuwait

MGA PINASLANG NA PINAY SA KUWAIT

kayrami palang Pinay na pinaslang sa Kuwait
si Jullebee Ranara ang huli, nakagagalit
nariyan din ang kaso ni Joanna Demafelis
na bangkay pa'y nilagay sa freezer, ito na'y labis

sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende
ang dalawa pang Pinay na talagang sinalbahe
sana'y magkaroon ng hustisya sina Jullebee
at ang mga nabanggit na pinaslang pang babae

sila na'y minaltrato, aba, sila pa'y inutas!
bakit ba nagpapatuloy ang ganyang pandarahas?
sa mga Pinay na nagtatrabaho ng parehas
upang mapakain ang pamilya sa Pilipinas

paano bang pagmaltrato sa kanila'y mapigil
na mga karapatan bilang tao'y nasisikil
deployment ng Pinay workers sa Kuwait, itigil!
bago may iba pang buhay ng Pinay na makitil

dahil sa hirap ng buhay sa bansa, umaalis
ang mga kababayan, sa Kuwait nagtitiis
dapat talagang magkaroon ng aksyong mabilis
upang hustisya'y kamtin, huwag na ring magpaalis!

- gregoriovbituinjr.
04.06.2023

* Pinaghalawan ng ulat: pahayagang Pang-Masa, Marso 26, 2023, pahina 3

Martes, Abril 4, 2023

Kaylaki na ng utang mo

KAYLAKI NA NG UTANG MO

ah, grabe, may utang ka na nang ikaw ay isilang
halos sandaan dalawampung libong piso naman
kung bawat tao ay ganyan ang ating babayaran
subalit magbabayad niyan ay ang buong bayan

makakabayad kaya tayo kung ang bawat tao
na may utang ay di kayang magbayad ng ganito?
at kung magbabayad naman bawat isa'y kanino?
paisa-isa bang magbabayad sa bawat bangko?

ito na ba ang kahihinatnan ng Pilipinas?
magagaya sa Sri Lanka pag di nakabayad?
na kinuha ng Tsina ang parte ng bansang mahal
na teritoryo'y inokupa, iyon na ang bayad?

bansa'y ipinaglaban ng ating mga ninuno
upang sa mananakop, tayo't lumaya't mahango
baka dahil sa utang, lahat nang ito'y maglaho
anong dapat nating gawin, puso ko'y nagdurugo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* P13.75T / 115,559,009 (populasyon ng Pilipinas 2022) = P118,986.829 kada tao
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2023, p.2

Book Sale

BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwil...